Showing posts with label Mother. Show all posts
Showing posts with label Mother. Show all posts

Monday, November 10, 2008

SALAMAT NANAY

SALAMAT NANAY

Sa yayat mong kamay kami'y inaruga,
hinubog ang isip, espritiu'y kinalinga.
Pagal na katawan kahit nais mamahinga,
mga mata'y tutukuran para may dagdag kita.
Yaong pasakit mo ay di naibalita,
sa maraming tao nung kami'y mga bata.
Ngayong sumapit na sa pagiging matanda,
sa yo ko inaalay itong aking tula.
Wala kang katulad Nanay kong dakila,
naging tatay at nanay sa 'ming limang bata.
Aking dalangin sa Poong maylikha,
buhay mo'y dugtungan, namnamin ang yong punla.
Pinalaki mo kami na may dignidad,
inalalayan mo sa aming pag-unlad.
Minsay's naitanong sa aking maybahay,
"happy kaya siya sa kanyang naging buhay?",
Naibulong pala sa king kapit buhay,
"maituturing ko matagumpay akong nanay".
Salamat sa bunganga, salamat sa pangaral,
salamat sa palo, salamat sa remedyo,
salamat sa pangaral, salamat sa dangal,
salamat sa Dios, ikaw ang aking NANAY.

MARAMING PONG SALAMAT, MAMA

MARAMING PONG SALAMAT, MAMA
Siyam na buwang inaruga sa iyong sinapupunan
Iningatan, inalagaan, hinintay na ako’y masilayan
Gabi at araw na pag-kalinga ay di mo ininda
Maipadama lamang ang wagas mong pagsinta
Una kong mga hakbang iyong pinalakpakan
Una kong pag-awit iyong hinangaan
Sa aking kabiguan, higit kang nasasaktan
Sa aking tagumpay, una kang naliligayahan
Sa aking karamdaman, ikaw ang laging hanap
Wari’y makagagaling ang mainit mong yakap
Minamasdan, pinupunasan at binabantayan
Hindi alintana kung ika’y mahahawaan
Luha sa iyong mga mata ay mababaw
Lungkot sa’king mata’y nakikita mong malinaw
Sa hirap ni minsan ako’y hindi iniwan
Nariyan ka at lagi akong ginagabayan
Sa aking pag-aasawa hindi mo ako iniwan
Kalinga mo’y higit kong naramdaman
Pag-ibig mo sa aking mga anak ay di ko masusuklian
salamat ina sa pag-ibig mong hindi mapantayan

SULAT NINA NANAY AT TATAY SA ATIN


SULAT NINA NANAY AT TATAY SA ATIN

Sa aking pagtanda, unawain mo sana ako at pagpasensyahan. Kapag dala ng kalabuan ng
mata ay nakabasag ako ng pinggan o nakatapon ng sabaw sa hapag kainan, huwag mo
sana akong kagagalitan. Maramdamin ang isang matanda. Nagse-self pity ako sa tuwing
sisigawan mo ako.
Kapag mahina na ang tenga ko at hindi ko maintindihan ang sinasabi mo, huwag mo
naman sana akong sabihan ng “binge!”. Pki-ulit na lang ang sinabi mo o pakisulat na
lang. Pasensya ka na, anak. Matanda na talaga ako.
Kapag mahina na tuhod ko, pagtiyagaan mo sana akong tulungan tumayo, katulad ng
pag-aalalay ko sa iyo noong nag-aaral ka pa lamang lumakad.
Pagpasensyahan mo sana ako kung ako man ay nagiging makulit at paulit-ulit na parang
sirang plaka. Basta pakinggan mo na lang ako. Huwag mo sana akong pagtatawanan o
pagsasawaang pakinggan. Natatandaan mo anak noong bata ka pa? Kapag gusto mo ng
lobo, paulit-ulit mo ‘yong sasabihin, maghapon kang mangungulit hangga’t hindi mo
nakukuha ang gusto mo. Pinagtiyagaan ko ang kakulitan mo.
Pagpasensyahan mo na rin sana ang aking amoy. Amoy matanda, amoy lupa. Huwag
mo sana akong piliting maligo. Mahina na ang katawan ko. Madaling magkasakit kapag
nalamigan, huwag mo sana akong pandirihan. Natatandaan mo noong bata ka pa?
Pinagtiyagaan kitang habulin sa ilalim ng kama kapag ayaw mong maligo.
Pagpasensyahan mo sana kung madalas, ako’y masungit, dala na marahil ito ng
katandaan. ‘Pag tanda mo, maiintindihan mo rin.
Kapag may konti kang panahon, magkwentuhan naman tayo, kahit sandali lang, Inip na
ako sa bahay, maghapong nag-iisa, walang kausap. Alam kong busy ka sa trabaho,
subalit nais kong malaman mo na sabik na sabik na akong makakwentuhan ka, kahit alam
kong hindi ka interesado sa mga kwento ko. Natatandaan mo anak, noong bata ka pa?
Pinagtiyagaan kong pakinggan at intindihin ang pautal-utal mong kwento tungkol sa
iyong teddy bear.
At kapag dumating ang sandali na ako’y magkakasakit at maratay sa banig ng
karamdaman, huwag mo sana akong pagsawaan alagaan. Pagpasensyahan mo na sana
kung ako man ay maihi o madumi sa higaan, pagtiyagaan mo sana akong alagaan sa mga
huling sandali ng aking buhay. Tutal hindi na naman ako magtatagal.
Kapag dumating ang sandali ng aking pagpanaw, hawakan mo sana ang aking kamay at
bigyan mo ako ng lakas na harapin ang kamatayan.
At huwag kang mag-alala, kapag kaharap ko na ang Diyos na lumikha, ibubulong ko sa
Kanya na pagpalain ka sana…dahil naging mapagmahal ka sa iyong ama’t ina.